Tuesday, September 14, 2010

Talinhaga ng Itinalang Naiisip

         Talinhaga ng Itinalang Naiisip

          Isang hamak na blog lamang ang blog kong itong sariling akin. Ako ay muling napahanga ng aking butihing kaibigan na si Danica Azares (http://reality-check-dan2x.blogspot.com) sa kanyang angking galing sa larangan ng pagsusulat. Tulad niya, mahilig din akong magsulat. Halos magalit na ang aking ina sa dami ng kwaderno ko rito sa bahay. Hindi na rin ako nakuntento at kung saan-saan ako nag-register upang maipaskil ang aking nilikhang sining. Pagkatapos ng maraming taon, ginanahan ako muling mag-blog. Sa pagkakagawa ng aking blog, masasabi ko na tuluyan na nga akong nagbago. Hindi lang din naman ako ang nakapansin niyan. Marami rin sa kaibigan ko. Hindi naman lahat ay mabuti at hindi rin naman lahat masama. Basta ako ay nagbago. Nang una kong gawin ang blog na 'to, wala lang. Ang nasa isip ko noong mga panahong iyon ay maipaskil ang mga nalikhang sining ko simula noong hayskul. Pero, aking napagtanto na, puwede bang maging makahulugan ang blog kong ito? At diyan ko naisipang lagyan ng "kabuluhan" ang blog ko. Kung mapapansin ninyo, nasa wikang Ingles ang mga istorya. Bakit kaya? At ang mga apdeyts at mga sanaysay ay nasa wikang Filipino. Ano kaya ang kahulugan nito? Maaari bang hindi lamang pang-aliw ang blog kong ito na nilikha ko upang mang-aliw? Bukod sa pang-aaliw, ang paglalahad ng suliranin ng lipunang Pilipino ay ang pangunahing layunin ng blog na ito.

          Hindi matatanggi na mang-aliw talaga ang pakay ng blog na ito. Sa nilalaman pa lamang ay kita na ang mga naghahabaang istorya para sa mga butihing mambabasa. Siyempre, nilikha ko itong mga kwento dahil sa mga inspirasyon ko. Maaaring isang mama sa kanto na nabatukan sa ulo, o kaya naman ay sa tuwing nakikita ko ang aking hinahangaan. Ang ideya kasi ay tila isang kuneho. Pahirapan pa sa pagkuha kung minsan. Maliksi kasi ito kahit wala naman itong mga paa. Kailangan handa ka sa tuwing magpapakita ito sa'yo dahil sa oras na pinakawalaan mo ang kuneho, wala na ito habang-buhay. May ipinaglalaanan din ako sa bawat kwentong aking nililikkha. Maaaring ang mga kaibigan ko, o kaya naman ay ang mga tauhan sa nilikha kong istorya. Gayundin naman kapag gumagawa ako ng tula. Mahalagang-mahalaga ang inspirasyon. Ito rin kasi ang tumutulong sa pagpili ko sa mga nararapat na salitang gagamitin. Hindi rin maiiwasan ang paglalaan sa mga tula. Tulad na lamang ng World's Apart. Inilaan ko iyon para sa isang hotel attendant na talaga namang bumihag ng aking atensyon. Siya rin ang naghatid ng bagahe ko sa aking kwarto. Hindi lamang iyan, saksakan siya ng bait at may hitsura. Ngunit, matagal bago ko siya nakita. Ang muli at huli naming pagkikita ay noong umalis na ako sa Ilo-Ilo. Dahil doon, inilaan ko sa kanya ang tulang iyon na pinagbuhusan ko ng aking nararamdaman.

           Sa kabila ng angking kakayahan nitong mang-aliw ay naroon ang pagsasalamin sa problema ng lipunang Pilipino. Maaaring hindi mapansin ito kaagad nang hindi nababasa ang sanaysay na ito, at kung ikaw ay talagang mapagmatyag, mapapansin agad ito. Nangunguna sa aking listahan ang kolonyal na pagiisip. Karamihan sa Pilipino ay ganyan nang mag-isip, kasama na rin ako. Masasalamin ito sa mga kwento. Kung iyong mapapansin, ang mga paksa ng kwento ay may impluwensiya ng stereotypical western culture. Ang pinakabalangkas ay kalimitang mababasa sa mga American novels na maaaring napagsawaan na ng mga Kano. Mapapansin din na nahaluan na ito ng western culture sa wikang ito ay nailathala. Bilang isang Pilipino, nararapat lamang na nasa wikang Pilipino ang likhang sining natin dahil lumalabas na ang nakikinabang sa mga sining natin ay ang mga Kano. Ang sumunod naman sa listahan ay ang balat ng aking blog. Ano naman kaya ang koneksiyon nito? Maaaring mababaw pero ang lumikha ng balat ng blog na ito ay taga-US. Hindi ba dapat tinatangkilik ko ang gawang Pinoy? Pero hindi. Mas bumenta pa sa akin ang gawang Kano. At ang ikatlo sa kolonyal na pag-iisip ay ang wika. Hindi ba parang kinamumuhian ko ang wika natin (kung titingan sa ibang pananaw) sa paggamit ko ng wikang Ingles para sa likhang sining? Minsang naisip ko din na, mas naihahayag ko ang aking damdamin sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino sapagkat minsan, iniiwan ako ng mga salitang Filipino kung kailan ko ito kinakailangan.

           Diskriminasyon ang sumunod na suliranin sa lipunang Pilipino. Paano nagkaroon ng karumal-dumal na suliraning ganito ang blog ko? Simple lamang. Kung napapansin ninyo, nariyan ang mga Teasers at Previews. Nasanay tayo sa patikim-tikim na lamang dahil sa pagkakasakop sa atin ng mga imperyalistang bansa. Ipinamukha nila sa atin na tayo ay mga Indio ayon sa mga Kastila na ang ibig sabihin ay walang alam. Ipinamukha ng mga Kano sa atin na tayo ay dapat magtiis sa mga karampot na kita sa pang araw-araw na pamumuhay. Masyadong mababa ang tingin nila sa atin na dumating sa puntong bumaba na rin ang tingin natin sa ating sarili. Natakot tayo sa mga banta at patakaran ng mga sumakop sa atin. Hindi na umunlad ang pagiisip natin. Nakalulungkot na hanggang sa panahong ito, dala pa rin natin ang nakagisnan na takot sa mga nagmataas na mananakop na iyon. Sinisimbolo rin ng blog na ito ang karuwagan ng mga tao sa pagharap sa problema. Malaking bagay ang pagharap nang matapang sa problema. Ipinakikita lamang ito na wala kang kinatatakutan at buo ang iyong loob sa pagharap ng mga balakid sa buhay. Makikita ang simbolismo sa pangalan mismo ng blog: cielinwonderland.blogspot.com. Ciel in wonderland. Si Ciel ay nasa lugar ng kamanghaan. Ano ba ang makikita sa wonderland? Mga kung anu-anong bagay na hindi nakikita sa realidad. Pang habambuhay na kaginhawaan, maraming pagkain at kayamanan. Sa madaling salita, pantakas ito ng mga Pinoy sa mga suliranin ng buhay. Sa kanilang pagbabalewala sa mga problema, lumago ito hanggang sa maging bundok na ang taas nito.

          Sa natalakay na mga paksa, kakikitaan talaga ng mga suliranin ang blog na ito sa pamamagitan ng paggamit ng simbolo. Sino nga ba ang mag-aakala na ang mga simpleng detalye na makikita rito ay may katapat na simbolismo? Wala hindi ba? Maliban na lamang sa may-ari ng blog. Ngunit sa kabila ng mga negatibong paksa, nariyan naman ang kabutihan ng blog na ito. Malamang sa hindi, ang awtor ay isa na rin sa naimpluwensiyahan ng western culture, may kolonyal na pagiisip at kung anu-ano pa na taliwas sa kanyang nakagisnang pamumuhay. Subalit, kung papansinin ninyo, ang mga adpdeyts at sanaysay ay nasa wika natin. Ipinalalabas lamang na ang awtor ay hindi tuluyang nagpaapekto sa mga nakagawian ng karamihan sa atin, lalo na ang mga elitista. Nananalaytay pa rin sa aking mga ugat ang dugong Pilipino. Dugong sariling atin. Hanggang sa panlabas na anyo na lamang ang aking impluwensiya, dahil sa kalolob-looban ko, ako ay isang Pilipino. At ipinagmamalaki ko kung ano man ang mayroon ako ngayon. Ikaw, may napapansin ka pa bang iba pang mga simbolismo?

No comments: